Masayang ibinahagi ng dating Miss Universe Philippines na si Celeste Cortesi ang balitang siya ay magiging ganap na ina na. Sa kanyang Instagram account, ipinasilip ng beauty queen ang kanyang baby bump sa pamamagitan ng isang silhouette photo kasama ang ilang larawan ng kanyang ultrasound.
Ayon kay Celeste, ang pagmamahal na nararamdaman niya ngayon ay ang pinaka-wagas at walang pag-iimbot na uri ng pag-ibig. Kinumpirma rin ng dating Miss Universe Philippines na ang kanyang bagong partner na si Jonathan Sterling ang ama ng kanyang ipinagbubuntis. Matatandaang pinili ni Celeste na panatilihing pribado ang kanyang bagong relasyon bago ang sorpresang anunsyong ito.
Bumuhos naman ang pagbati mula sa kanyang mga kapwa beauty queen at mga kaibigan sa industriya gaya nina Kylie Verzosa, Chelsea Manalo, at Vicki Belo. Marami ang natuwa para sa bagong yugto ng buhay ni Celeste lalo na’t kilala siya sa kanyang matagumpay na karera sa pageantry simula nang manalo siya bilang Miss Earth Philippines noong 2018 bago makuha ang korona ng Miss Universe Philippines noong 2022.
