Mahigit isang buwan matapos akusahan si Joey de Leon ng “bodyshaming” sa pamamagitan ng “pataba” remark sa kanyang kaarawan sa “Eat Bulaga,” ipinagtanggol siya ni Miles Ocampo, co-host niya sa naturang noontime show.
Noong Mayo, birong tinawag ni de Leon ang edad ng aktres na “pataba,” bagay na ikinagalit ng ilang netizens at ginamit na batikos sa social media.
Ngunit sa media conference ng bago niyang TV series na “Padyak Princess,” sinabi ni Ocampo na hindi siya na-offend sa sinabi ni de Leon at agad itong nag-sorry sa kanya kinabukasan.
“Si Boss Joey at ang Dabarkads, updated sila sa lahat. Noong lumabas ang isyu, updated siya agad. Kaya kinabukasan, lumapit siya sa’kin at sabi, ‘Huy, sorry ah.’ Sabi ko, ‘okay lang po, Boss Joey.’ Sa’min, wala lang ‘yun,” ani Ocampo.
Ayon sa aktres, hindi lang sanay ang maraming tao sa paraan ng pagpapakita ng pagmamahal ng “Eat Bulaga” cast sa isa’t isa, na madalas ay sa pamamagitan ng asaran.
“Hindi lang siguro sanay ang mga tao,” sabi niya. “Ilang taon na rin ang ‘Eat Bulaga’ at alam na rin nila na ang biruan at tawanan ang pagpapakita [namin] ng pagmamahal. Madalas ang asaran ay pag-show ng love sa isa’t isa.”
Dagdag pa niya, bawal ang pikon sa “Eat Bulaga” dahil sanay na silang lahat sa pagbibiruan.
“Sa Dabarkads, bawal ang pikon dun. Sanay lang kami sa bawat banat at hirit ng isa’t isa, kaya walang problema,” ani Ocampo sa media con. “Actually si Boss Joey, naapektuhan din kasi sabi niya noon, ‘Bakit galit ‘yung mga tao sa akin?’”
“Sabi ko kay Boss Joey, ‘okay na po ‘yun, sadyang ang mga tao talaga ngayon ay mabilis makahanap ng mali kaya napupuna agad.’ Pero wala po [talagang] problema,” dagdag pa ni Ocampo.
Sinabi rin ng aktres na ang dahilan ng kanyang pagdagdag ng timbang ay ang laban niya sa papillary thyroid cancer noong Abril 2023. Ayon sa mga health journal, ang pagtaas ng timbang ay maaaring dulot ng mababang antas ng thyroid hormones.