May bagong aabangan ang fans ng tambalang Mika Salamanca at Brent Manalo, na kilala bilang MikBrent o BreKa. Inilabas na kasi ng dalawa ang kanilang unang duet single na pinamagatang “What If Tayo?”
Ang kanta, na isinulat at prinodyus ng batikang Filipino songwriter at Grammy voting member na si Jonathan Manalo, ay umiikot sa tanong na “paano kung ang pagkakaibigan ay mauwi sa pagmamahalan?” Sa pamamagitan ng kanilang collaboration, binigyang-buhay nina Mika at Brent ang kilig na matagal nang hinihintay ng kanilang mga tagasuporta.
Bagama’t nilinaw na ng dalawa sa mga nakaraang panayam na magkaibigan lamang sila, ipinakita nila rito ang kanilang pagiging propesyonal na handang ibigay ang hiling ng fans.
Para kay Mika, ito na ang kasunod ng kanyang debut single na “Sino Nga Ba Siya” mula sa kanyang album sa ilalim ng Star Music. Samantalang para kay Brent, ito ang unang beses na sumabak siya sa mundo ng recording.
Sa “What If Tayo?”, napatunayan ng MikBrent na kaya nilang pagsamahin ang chemistry at talento para magbigay ng bagong kilig sa kanilang mga tagahanga.
