Hindi na lang bilang dating kampeon, kundi bilang ganap na world-class contender, papasok si Miguel Tabuena sa The Country Club Invitational (TCC) na sisimulan sa Enero 27.
Bagama’t hindi pinalad na makapasok sa LIV Golf League, ipinakita ni Tabuena ang kanyang tibay at kahandaan matapos ang malakas na pagtatapos ng kanyang 2025 season at ang matatag na performance niya sa LIV Golf Promotions. Pinagtibay nito ang kanyang estado bilang pangunahing mukha ng Philippine golf sa international scene.
Masusubok ang kanyang kakayahan sa isa sa pinakamahirap at pinaka-teknikal na golf courses sa bansa, kung saan maglalaban ang mga dating kampeon at Top 30 players ng huling Philippine Golf Tour Order of Merit.
Bilang tradisyunal na pambungad ng PGT season, nananatiling pinakamayamang torneo sa lokal na golf ang TCC Invitational. Itinaas ng ICTSI ang kabuuang premyo sa ₱6.5 milyon, na lalo pang nagpapatibay sa prestihiyo ng torneo.
Kampeon noong 2017, si Tabuena ay papasok sa torneo na may malaking inaasahan sa kanya, lalo na matapos niyang magtapos bilang ikatlo sa Asian Tour International Series Order of Merit—patunay ng kanyang konsistensya, husay, at karanasan laban sa pinakamahuhusay na manlalaro sa rehiyon.
