Umiigting na ang aksyon sa 2025 World Surf League (WSL) World Junior Championships na ginaganap sa Urbiztondo Beach, San Juan, La Union, kung saan nagsama-sama ang pinakamahuhusay na junior surfers sa mundo para sa prestihiyosong titulo.
Aabot sa 24 na lalaki at 24 na babae ang naglalaban-laban sa The Point, kabilang ang mga top finishers mula sa pitong global regions ng WSL at mga piling wildcard na nagpakitang-gilas sa Challenger at Qualifying Series. Tatagal ang kompetisyon hanggang Linggo, June 18.
Isa sa mga inaabangang kalahok si Bella Kenworthy, 17-anyos na American at bagong pasok sa Championship Tour. Ayon sa kanya, espesyal ang La Union hindi lang dahil sa hamon ng alon kundi pati sa vibe ng lugar.
Bumida rin ang British surfer na si Lukas Skinner, na nagbabalik matapos ang matinding injury at handang ipakita ang kanyang galing sa pinakamalaking event na sinalihan niya sa ngayon.
Target naman ni Laura Raupp ng Brazil na ipagpatuloy ang magandang rekord ng kanilang bansa sa World Juniors. Ang 19-anyos ay masaya umanong makabalik sa La Union bilang wildcard at determinado sa bawat heat.
Hindi rin pahuhuli ang Team Philippines, na kinakatawan nina Troy Espejon, ang kanyang kuya na si Toby Espejon, Mara Lopez, at Cathleya Casals. Ipinagmamalaki ni Troy ang pagsusuot ng bandila ng Pilipinas at umaasang makapagbibigay-inspirasyon sa susunod na henerasyon ng lokal na surfers.
Mas lalong naging mabigat ang kompetisyon sa paglahok ng mga bigating pangalan tulad nina 2023 world champion Sierra Kerr, Winter Vincent, at iba pang rising stars mula Australia, Spain, Peru, Mexico, at Indonesia.
