Nagpatupad na ng compressed four-day workweek ang ilang lokal na pamahalaan at tanggapan ng gobyerno sa bansa upang makatipid sa kuryente at gasolina sa gitna ng tumataas na presyo ng enerhiya sa pandaigdigang merkado.
Ayon sa Department of Tourism sa Central Luzon, magsisimula ang bagong iskedyul kung saan papasok ang mga empleyado Lunes hanggang Huwebes, 7 a.m. hanggang 7 p.m., habang magiging nonworking day ang Biyernes. Hindi kasama sa pagbabago ang mga tanggapang nagbibigay ng kritikal na serbisyo tulad ng kalusugan, seguridad at disaster response.
Nagpatupad din ng fuel conservation measures ang ilang lokal na pamahalaan. Sa Olongapo City, iniutos ni Mayor Rolen Paulino Jr. na limitahan ang paggamit ng mga sasakyang panggobyerno sa mahahalagang biyahe lamang.
Sa Quezon Province, ilang bayan tulad ng Gumaca ang magpapatupad din ng apat na araw na pasok sa isang linggo. Ganito rin ang hakbang sa Oriental Mindoro, kung saan inanunsyo ni Gov. Humerlito Dolor ang bagong iskedyul para makatipid sa gasolina.
Samantala, magpapatupad din ng kaparehong sistema ang Negros Occidental sa pangunguna ni Gov. Eugenio Jose Lacson, pati ang ilang lungsod sa Visayas at Mindanao kabilang ang Bohol at mga probinsya ng Sultan Kudarat at Cotabato.
Ang hakbang ay alinsunod sa direktiba ni Ferdinand Marcos Jr. sa ilalim ng Memorandum Circular No. 114 na naglalayong bawasan ang konsumo ng enerhiya sa mga tanggapan ng gobyerno habang pabagu-bago ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
