Nagsumite na ng kanilang counter-affidavits sa Department of Justice (DOJ) ang tatlong dating DPWH engineers na sina Henry Alcantara, Brice Hernandez, at Jaypee Mendoza, kaugnay ng umano’y anomalya sa lima umanong flood control projects sa Bulacan. Kasama rin nilang naghain ng sariling paliwanag ang contractor na si Sally Santos.
Ayon sa DOJ spokesman na si Polo Martinez, ilang respondents ang humingi pa ng dagdag na panahon para makapaghain ng kanilang mga salaysay, kaya binigyan sila hanggang Nobyembre 28. Pagkatapos nito, inaasahang isasara na ang preliminary investigation at isusumite ang kaso para sa pinal na resolusyon.
Samantala, ibinunyag ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na inaasahang magbabalik ng hindi bababa sa P1 bilyon ang dating DPWH undersecretary Roberto Bernardo bilang kondisyon sa kanyang application sa Witness Protection Program (WPP). Naging sentral na testigo si Bernardo sa imbestigasyon, kung saan ang kanyang mga pahayag ay nagresulta sa pagsasampa ng kaso laban sa ilang dating mambabatas.
Dagdag ni Lacson, magpapatuloy ang Senate Blue Ribbon investigation kahit handa na silang maglabas ng partial committee report, taliwas sa pahayag ni Sen. Erwin Tulfo na dapat tapusin na ang mga pagdinig.
Sa isa pang development, nakatakdang humarap ngayong araw sa Investigating Committee on Infrastructure (ICI) sina QC Rep. Arjo Atayde at Caloocan Rep. Dean Asistio. Pareho nilang hiniling na isagawa ang pagdinig sa executive session, na maglilimita sa livestreaming alinsunod sa bagong patakaran ng komite.
