Lumabas na muli ang pangalan ng mag-asawang kontraktor na sina Curlee at Sarah Discaya, ngayon naman kaugnay sa umano’y “ghost” hospital projects ng Department of Health (DOH). Sa budget deliberation ng Senado, binatikos ni Senate finance chair Sherwin Gatchalian ang hindi natapos o napabayaan na mga pasilidad ng DOH na nagkakahalaga ng ₱11.5 bilyon, base sa ulat ng Commission on Audit (COA) noong 2024.
Ayon kay Gatchalian, ang halagang ito sana ay nagamit para magpatayo ng bagong gusali para sa mga ospital ng bata. “Ito ay perang naipit dahil sa palpak na plano, kulang sa koordinasyon, at maling pagpapatupad,” giit niya.
Kinumpirma rin ni Health Secretary Ted Herbosa na aabot sa 400 health centers mula sa kanilang 600 proyekto ang nanatiling nakatiwangwang dahil sa problema sa mga kontraktor at kakulangan ng health personnel. Isa sa mga tinukoy ng COA ay ang P133-milyong Zamboanga sanitarium project ng firm ng Discayas na St. Gerrard Construction—98% nang tapos pero iniwan na nakatiwangwang. May isa ring P22.45-milyong pasilidad sa Zamboanga del Norte na natapos ngunit nagagamit bilang classroom ng Mindanao State University.
Samantala, natuklasan din ng Department of Agriculture (DA) na umabot na sa ₱115 milyon ang halaga ng mga “ghost” farm-to-market road projects. “Hindi man kalakihan, pero nakakaalarma pa rin,” ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., na nangakong bibisitahin ang mismong mga site.
Kasabay nito, nanawagan ang grupong Pamalakaya na busisiin din ang ₱3 bilyong pondo ng DPWH para sa mga military facilities sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), gaya ng pagpapalawak ng airstrip sa Balabac, Palawan. Giit nila, mas dapat gastusin ang pondo sa imprastrakturang direktang makikinabang ang taumbayan, hindi sa mga base-militar.
Dagdag pa, binalaan ng Catholic Educators Association of the Philippines (CEAP) na maaaring lumala ang kultura ng korapsyon kung itutuloy ng DepEd ang pagtanggal ng Ethics bilang asignatura sa general education curriculum. “Mahalaga ang Ethics sa paghubog ng konsensya. Kung wala nito, baka maging matatalino nga ang ating mga graduates, pero kulang sa integridad,” ayon kay CEAP executive director Narcy Ador Dionisio.