Umani ng matinding reaksyon sa social media ang hit Canadian series na Heated Rivalry matapos magsalita ang ilan sa mga bida nito laban sa mapanirang komento ng ilang fans online.
Sa isang Instagram post, binatikos ng lead actor na si Hudson Williams ang mga netizen na naglalabas ng homophobic, racist at iba pang mapanlait na pahayag. Ayon sa aktor na gumaganap bilang hockey star na si Shane Hollander, hindi maituturing na tunay na tagahanga ang mga taong nagpapakalat ng ganitong uri ng komento.
Sinang-ayunan din ang pahayag ng aktor ng iba pang kasali sa serye, kabilang sina Francois Arnaud, showrunner na Jacob Tierney, at author na Rachel Reid na siyang sumulat ng mga nobelang pinagmulan ng palabas.
Tungkol ang Heated Rivalry sa karera at lihim na relasyon ng dalawang batang hockey stars—isang Canadian at isang Russian—na mabilis na naging global hit matapos ipalabas sa streaming platform na Crave at kalaunan sa HBO Max.
Dahil sa tagumpay ng serye, sumikat sa buong mundo ang mga dating hindi kilalang aktor tulad nina Williams at Connor Storrie. Gayunman, kasabay ng kasikatan nito ang pagdami ng tinawag ng production team na “toxic fan engagement,” kung saan nagiging personal at mapanira ang ilang komento laban sa mga artista at karakter ng palabas.
