Inamin ng aktres na si Mercedes Cabral, na bahagi ng “FPJ’s Batang Quiapo,” na masaya siya sa pagganap bilang kontrabida.
Sa latest vlog ni Julius Babao na uploaded nitong Martes, Hulyo 9, kinapanayam ang aktres tungkol sa kanyang role sa ABS-CBN aksyonserye na pinagbibidahan ni Coco Martin.
Gumaganap si Mercedes bilang si Lena, ang matapang na kabit ni Rigor na ginagampanan ni John Estrada.
Para kay Mercedes, mas enjoy siya sa pagiging kontrabida kaysa bida na minsan na rin niyang naranasan.
“Nae-enjoy ko siya actually. Mas enjoy kong maging kontrabida kasi na-experience ko na rin maging bida. May ginawa akong teleserye, ‘yong ‘Hiyas,’ ‘yon ‘yong unang-unang teleserye ko,” kwento ni Mercedes.
Dagdag pa niya, “Nakakapagod din siya kasi emotionally demanding ang pagiging bida. Kailangan mong magmukhang kawawa at laging umiiyak.”
Mas nag-eenjoy daw siya sa paglabas ng “masamang ugali” bilang kontrabida.
“Pero ‘pag kontrabida, na-realize ko parang ‘wow ang saya pala na nilalabas mo ‘yong sama,’” amin ni Mercedes.
Hindi rin ito ang unang beses na gumanap siya bilang kontrabida dahil nasubukan na rin niya ito sa teleseryeng “Huwag Kang Mangamba.”