Sinampahan ng kasong kriminal at administratibo si Marikina Mayor Marcelino Teodoro, asawa niyang si Rep. Marjorie Teodoro, at ilang opisyal ng lungsod kaugnay ng umano’y iregularidad sa mga procurement transactions noong pandemya.
Ayon sa negosyanteng si Rico Mariano, ginamit ng mga opisyal ang kanyang kumpanya bilang “front supplier” noong 2020 hanggang 2021 kahit ibang supplier umano ang nakakuha ng mga kontrata.
Kasama rin sa mga inireklamo sina City Accountant Erlinda Gonzales, Barangay Officer Marie Joy San Juan, at mga Acting City Treasurers Miguel Rebanal at Florencia Gamad.
Inilahad ni Mariano na pinapirma siya sa mga pekeng kontrata kung saan siya raw ay binayaran kahit walang aktwal na delivery ng supplies.
Kwento ni Mariano, ang mga tsekeng pirmado nina Mayor Teodoro, Gamad, at Rebanal ay dineposito sa kanyang account. Pinapakuha raw sa kanya ang pera upang ibalik ito sa lokal na pamahalaan kapalit ng maliit na porsyento.
Noong 2020, sinabi ni Mariano na inutusan siyang mag-isyu ng manager’s check kay “Maan”, na pinangalanan niyang si Rep. Marjorie Teodoro.
Base sa kanyang bank records, sinabi ni Mariano na nakatanggap siya ng mahigit P26.75 milyon mula sa pamahalaang lungsod ng Marikina mula Mayo 2020 hanggang Enero 2021.
“Ipinagamit ako bilang tagadala ng pondo ng lungsod papunta sa kanilang bulsa,” giit ni Mariano.
Humiling si Mariano sa Ombudsman na suspindihin ang mga akusado upang maiwasan umano ang pag-impluwensya sa kaso.