Patay ang incumbent Mayor ng Rizal, Cagayan, na si Atty. Joel Ruma, nang pagbabarilin siya ng mga hindi pa nakikilalang suspek noong Miyerkules ng gabi habang nangangampanya sa Brgy. Illuru. Dalawa pang indibidwal, sina Merson Abiguebel at Melanie Talay, ang nasugatan sa insidente.
Ayon sa ulat, bandang alas-9:30 ng gabi nang mangyari ang pamamaril sa loob ng gymnasium ng barangay. Kaagad na dinala sa Tuao District Hospital si Mayor Ruma, ngunit idineklara siyang dead on arrival.
Agad namang nagsagawa ng hot pursuit operations ang kapulisan sa pangunguna ng Cagayan Police Provincial Office (CPPO).
Kinondena ni PRO2 Director Brig. Gen. Antonio Marallag Jr. ang karahasan at nanawagan sa publiko na makipagtulungan sa imbestigasyon upang makamtan ang hustisya para sa mga biktima. Ayon pa kay Marallag, ang bayan ng Rizal ay kabilang sa mga election hot spots, kaya’t patuloy ang kanilang pag-iingat para sa isang mapayapang halalan sa 2025.