Sa ikalawang taon na sunod, muling tinanghal si Quezon City Mayor Joy Belmonte bilang regional winner at national semifinalist ng 2024 Presidential Lingkod Bayan Award mula sa Civil Service Commission (CSC).
Ayon sa CSC, ang award ay ibinibigay sa mga civil servant na nagbigay ng makabuluhang kontribusyon sa pampublikong interes. Si Belmonte ay kinilala sa kanyang pagsusumikap para sa green at environmental programs ng QC, pati na rin sa pagiging modelo ng professionalism at mahusay na pamamahala.
Kasama ang kanyang amang si dating Speaker Feliciano Belmonte Jr., tinanggap ni Mayor Joy ang parangal sa simpleng seremonya sa CSC-NCR noong Nobyembre 15. “Ang pagkilalang ito ay patunay ng bisa ng aming mga proyekto para sa QCitizens,” ani Belmonte.
