Kinondena ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang pamamaril ng isang pulis sa isang lalaking umano’y nakaalitan nito sa isang bar sa Novaliches Miyerkoles ng madaling araw.
Nagpaabot rin ng pakikiramay si Belmonte sa pamilya ng biktima, at nangakong titingnan ng lokal na pamahalaan kung ano ang maitutulong nito sa pamilya, lalo na sa pagkakamit ng hustisya.
“Nakikiramay tayo sa pamilya ng biktima, at titingnan ng lokal na pamahalaan ang tulong na maaaring maipagkaloob sa kanyang pamilya, lalo na sa pagkamit ng hustisya,” ani Belmonte.
Nanawagan rin si Belmonte sa Quezon City Police District at Philippine National Police na siguruhing mapaparusahan si Patrolman Edwin Rivera Simbiling sa kaniyang ginawa.
“Umaasa tayo na hindi sasantuhin ng QCPD at PNP si Patrolman Edwin Rivera, na ngayo’y nasa kustodiya na ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) at nahaharap sa kasong murder at illegal possession of firearms,” ANiya.
“Inaatasan ko rin ang QC-People’s Law Enforcement Board na magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon para matiyak na mapapanagot si Patrolman Rivera (Simbiling) sa kanyang ginawa,” dagdag ni Belmonte.
Naaresto si Simbiling matapos nitong barilin umano at mapatay ang lalaking nakaalitan nito.
Narito ang opisyal na pahayag ni Mayor Joy Belmonte sa Novaliches Shooting:
Mariin nating kinokondena ang insidenteng kinasangkutan ng isang pulis sa Brgy. Nova Proper, Novaliches.
Nakikiramay tayo sa pamilya ng biktima, at titingnan ng lokal na pamahalaan ang tulong na maaaring maipagkaloob sa kanyang pamilya, lalo na sa pagkamit ng hustisya.
Umaasa tayo na hindi sasantuhin ng QCPD at PNP si Patrolman Edwin Rivera Simbiling, na ngayo’y nasa kustodiya na ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) at nahaharap sa kasong murder at illegal possession of firearms.
Inaatasan ko rin ang QC-People’s Law Enforcement Board na magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon para matiyak na mapapanagot si Patrolman Simbiling sa kanyang ginawa.
Walang puwang sa Philippine National Police (PNP) ang mga kagaya niya.
Hindi natin papayagan na manaig ang karahasan sa Quezon City!
Orihinal na post: https://www.facebook.com/QCGov/posts/pfbid0uQfADkTUukW1SifhJu5D77vkHU4mpz5DBjQjx9dA2mLPgdbgxPWWzs4rVnmFXTV7l