Inaprubahan ng Manila City Council ang mungkahing P25-bilyong badyet para sa 2026, kung saan 26 sa 38 konsehal ang bumoto pabor. Ayon kay Bise Alkalde Chi Atienza, ang pagpasa ng badyet ay tugon sa panawagan na ituon ang pondo sa mga pangunahing pangangailangan at serbisyong panlipunan, na siyang pangunahing layunin ng administrasyon ni Mayor Isko Moreno.
Ipinahayag naman ni District 3 Councilor Timothy Oliver Zarcal, na siyang pinuno ng Committee on Appropriations, na ang naturang badyet ay patunay ng pagiging bukas at tapat ng pamahalaang lungsod. Dagdag niya, layon nitong matugunan ang mga pangangailangan ng mga Manileño sa pabahay, kalusugan, edukasyon, trabaho, kaligtasan, at pagbangon ng ekonomiya.
Sa kasalukuyan, gumagamit din ang lungsod ng P25-bilyong badyet na inaprubahan noong nakaraang taon sa ilalim ng dating konseho—isang desisyong naging sanhi ng pagkakahati ng mga konsehal. Ayon sa mga konsehal na kaalyado ni Moreno, minadali umano ng administrasyong Lacuna-Pangan ang pagpasa ng 2025 budget nang walang sapat na deliberasyon.
