Simula Enero 2025, makatatanggap na ng ikalawang tranche ng salary increase ang mga kuwalipikadong empleyado ng gobyerno, ayon sa Department of Budget and Management (DBM).
Sa bisa ng Executive Order No. 64 na inilabas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Agosto 2024, itinakda ang dagdag-sweldo at allowances para sa mga kawani ng gobyerno.
Ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman, nilagdaan na niya ang National Budget Circular 597, na naglalaman ng mga patakaran para sa implementasyon ng ikalawang tranche ng salary increase.
“Umaasa kami na ang dagdag-sweldo na ito ay makatutulong sa pinansyal na pangangailangan ng ating mga kawani, masuportahan ang kanilang pamilya, at mapabuti ang kalidad ng kanilang buhay,” ani Pangandaman.
Ang salary increase ay ipapatupad sa apat na tranches: Enero 2024, 2025, 2026, at 2027.
Sino ang Sakop?
Kabilang sa makatatanggap ng dagdag-sweldo ang mga kuwalipikadong kawani mula sa:
- Executive, Legislative, at Judicial Branches
- Constitutional Commissions at Offices
- State Universities and Colleges
- Government-Owned and Controlled Corporations (GOCCs)
Makikinabang dito ang mga empleyado, kahit ano pa ang kanilang appointment status—regular, casual, contractual, appointive, elective, full-time, o part-time.
Sino ang Hindi Sakop?
Hindi kabilang sa circular ang:
- Military at uniformed personnel
- Mga ahensyang hindi saklaw ng Compensation and Position Classification Act of 1989
- GOCCs na saklaw ng GOCC Governance Act of 2011 at EO 150
- Mga indibidwal na walang employer-employee relationship tulad ng consultants, job orders, at student workers
Saan Kukunin ang Pondo?
Ang dagdag-sweldo para sa 2025 ay manggagaling sa national budget, partikular sa Miscellaneous Personnel Benefits Fund. Para naman sa GOCCs, ang pondo ay manggagaling sa kanilang operating budgets.
Ang salary increase ay isang hakbang ng gobyerno upang kilalanin ang serbisyo ng mga kawani nito at tugunan ang kanilang mga pangangailangan.
