Muling ipinamalas ni Max Verstappen ang kanyang galing matapos ang matinding panalo sa United States Grand Prix, dahilan upang mabawasan ang agwat niya kay Oscar Piastri sa Formula 1 Drivers’ Championship.
Matapos maiwan ng 104 puntos noong Agosto sa Zandvoort, unti-unting bumawi ang Red Bull ace, na ngayon ay 40 puntos na lang ang pagitan matapos manalo sa tatlong Grand Prix at isang Sprint race sa loob ng apat na linggo.
Sa Austin, ipinakita ni Verstappen ang kanyang dominasyon — nanguna sa bawat lap ng parehong Sprint at main race. Tanging si Lando Norris lamang ang bahagyang naka-challenge sa unang bahagi ng karera.
“It was an unbelievable weekend,” ani Verstappen. “I’m incredibly proud of everyone for delivering a weekend like this.”
Ang pagkaka-DNF ng parehong McLaren drivers sa Sprint at ang laban nina Norris at Charles Leclerc para sa ikalawang pwesto ay nakatulong din upang lumaki ang lamang ni Verstappen. Samantala, hirap si Piastri, na nagtapos lamang sa ikalimang pwesto.
Nang tanungin kung naniniwala siyang may pag-asa pa para sa ika-limang sunod na kampeonato, sagot ng four-time world champion:
“Yeah, for sure. The chance is there. We just need to deliver weekends like this until the end.”
Patuloy na umiinit ang labanan para sa titulo habang papalapit ang susunod na karera sa Mexico City, kung saan muling magsasagupa sina Verstappen, Norris, at Piastri sa isa na namang high-stakes showdown.
