Binalikan ni Matteo Guidicelli ang kaniyang “pinakamahalagang misyon” habang nagpapatuloy ang kanyang serbisyo bilang Army reservist at storyteller ng mga kwentong Pilipino. Bata pa lamang ay pangarap na niya ang sundalong buhay—napapanood sa mga pelikulang “Rambo”—kaya’t hindi siya nagdalawang-isip nang ialok sa kanya ang pagsabak sa military training.
Ngayon, si Matteo ay second lieutenant sa Philippine Army at unang civilian-celebrity na nakatapos ng matinding Scout Ranger orientation course. Sunod-sunod pa ang kaniyang pagsasanay: Airborne School, Intel School, at training ng Presidential Security Group.
Para kay Matteo, higit pa sa lakas at disiplina ang natutunan niya:
“Mas nakilala ko ang sarili ko at ang ating mga sundalo—ang kanilang sakripisyo at walang sawang paglilingkod sa bayan.”
Sa ika-75 anibersaryo ng Scout Rangers, ibinahagi niya ang pasasalamat sa “Musang brothers,” ipinagmamalaki ang pagiging bahagi ng kanilang samahan.
Bagong Dokumentaryo para sa 2025
Ilan sa kanyang susunod na proyekto ay isang serye ng documentary films na ipapalabas sa One News. Tampok dito ang kwento ng mga sundalong Pilipino, gayundin ang pagkain, kultura, at tradisyon ng bansa—isang pagsisikap na maipakita ang hindi madalas na naitatala sa media.
Suportado ng kanyang asawa, si Sarah Geronimo, na katuwang niya ngayon sa kanilang sariling production studio at music label.
“We support each other, on cam and off cam,” ani Matteo.
