Mas mahirap na laban ang haharapin ng Gilas Pilipinas sa FIBA Asia Cup sa Agosto matapos nilang mabigo sa huling bahagi ng qualifiers.
Matapos ang mainit na 4-0 simula sa Group B, may tsansa ang Nationals na magtapos bilang top seed. Pero nabigo sila sa huling window matapos malasap ang masakit na pagkatalo sa Chinese-Taipei at New Zealand. Dahil dito, lumanding lang sila sa pangalawang puwesto sa grupo, sa likod ng New Zealand (5-1), at kailangan ngayong harapin ang mas matinding kompetisyon sa torneo.
Ayon kay coach Tim Cone, mahalaga sana ang top seed para maiwasan ang mga bigating kalaban sa maagang bahagi ng kompetisyon. “Gusto talaga naming makuha ang top seeding, pero sa New Zealand na ito mapupunta. Mas mahirap ang dadaanan natin papunta sa titulo,” sabi niya matapos ang 87-70 blowout loss sa Tall Blacks sa Auckland.
Matitikas na kalaban ang nag-aabang sa Asia Cup. Kasama rito ang two-time defending champion Australia, South Korea, China, Jordan, Iran, at Lebanon—lahat ay top finishers ng kanilang mga grupo. Pasok din ang Japan, Qatar, at host Saudi Arabia bilang second placers, habang apat pang teams ang maglalaban para sa natitirang slots.
Sa ngayon, nakatutok ang Gilas sa paghahanda at pagsasaayos ng kanilang lineup, lalo na’t ramdam ang kawalan ng key players tulad ni Kai Sotto. Sa darating na Asia Cup draw sa Abril 8, malalaman na kung sino ang unang mga hadlang sa kanilang pangarap na makuha ang korona.