Matapang na ipinakita ng Alas Pilipinas girls U16 team ang kanilang galing sa kabila ng pagkatalo sa defending champion Japan, 17-25, 25-21, 16-25, 20-25, sa pagbubukas ng 2nd AVC Asian Women’s U16 Volleyball Championship noong Sabado sa Princess Sumaya Hall sa Amman, Jordan.
Bumida sina Xyz Rayco at Nadeth Herbon sa unang salang ng koponan sa kontinente, na agad umani ng suporta mula sa mga overseas Filipino workers. Sa pangunguna ng dalawa, umangat ang Pilipinas sa ikalawang set kung saan kapwa sila nagtala ng siyam na puntos upang maitabla ang laban sa 1-1.
Nakalamang pa ang Alas sa ikaapat na set, 12-9, matapos ang service ace ni Madele Gale, ngunit mabilis na bumawi ang Japan sa pamamagitan nina Ren Sugimoto, Miko Takahashi, at Rina Hayasaka. Dalawang sunod na atake ni Hayasaka ang nagselyo ng panalo para sa mga Hapon sa kanilang unang laro sa Pool B.
