Nagpadala ang pamahalaan ng Estados Unidos ng daan-daang karagdagang federal agents sa Minneapolis sa kabila ng matinding batikos mula sa mga lokal na opisyal, matapos barilin at mapatay ng isang immigration officer ang 37-anyos na protester na si Renee Nicole Good.
Kinumpirma ni Homeland Security Secretary Kristi Noem na darating pa ang mas maraming ahente noong Linggo at Lunes, iginiit na kailangan ito upang matiyak ang kaligtasan ng mga immigration personnel na nagpapatupad ng operasyon sa lungsod. Ayon sa kanya, kumilos umano ang ahente bilang self-defense, at inilarawan pa ang insidente bilang isang anyo ng “domestic terrorism.”
Mariing tinutulan ng mga lider Demokratiko sa Minnesota—kabilang sina Governor Tim Walz at Minneapolis Mayor Jacob Frey—ang pahayag na ito. Ayon sa kanila, base sa mga kumalat na video, paalis na ang sasakyan ni Good at hindi umano ito nagbanta sa buhay ng ahente nang maganap ang pamamaril.
Sa kabila ng nagpapatuloy na imbestigasyon, nanindigan si Noem na tama ang naging aksyon ng pamahalaan at ng pulisya. Sinang-ayunan naman ni Pangulong Donald Trump ang paggamit ng deadly force, at inilarawan si Good bilang “marahas” at “walang galang” sa mga awtoridad.
Muling sumiklab ang tensyon noong Linggo nang gumamit ng pepper spray ang mga federal agents laban sa mga nagpoprotesta sa labas ng isang ICE facility sa Minneapolis. Inakusahan ni Noem ang mga lokal na opisyal ng “pagpapalala ng sitwasyon” at umano’y pag-udyok ng karahasan laban sa law enforcement.
