Inihayag ni DPWH Secretary Vince Dizon na mas marami pang empleyado ng ahensya ang isasailalim sa preventive suspension habang iniimbestigahan ang mga kontrobersyal na flood control projects sa bansa.
Kasunod ito ng preventive suspension ng 40 personnel at pag-uumpisa ng administrative proceedings laban sa 49 empleyado, ayon kay Undersecretary Ricardo Bernabe III. Bukod dito, may kasong kriminal na isinampa laban sa 63 indibidwal sa Ombudsman, bagaman hindi pa inilalabas ang detalye.
Noong Setyembre, nagsampa ng graft at malversation cases ang Ombudsman laban sa contractor na si Cezarah “Sarah” Discaya at walong DPWH officials kaugnay ng P96.5-milyong “ghost” flood control project sa Davao. Ayon kay Dizon, ang proyekto ay ibinigay sa Discaya-owned St. Timothy Construction Company noong Enero 2022 at nabayaran nang buo ng DPWH district bago pa ito matapos.
