Ibinabala ng iba’t ibang grupo ang mas malaking kilos-protesta sa Nobyembre 30 upang kondenahin ang umano’y mabagal at pinipiling imbestigasyon ng pamahalaan sa mga opisyal na sangkot sa mga anomalya sa flood control projects.
Ayon sa Kilusang Bayan Kontra Kurakot (KBKK), paiigtingin nila ang mga pagkilos bago ang malaking mobilisasyon. Sa pagpupulong noong Oktubre 25, inihayag ng grupo ang kanilang sunod-sunod na aktibidad, kabilang ang “Black Friday Protests” kada linggo.
Sa Oktubre 31, gaganapin ang “Ghostbuster Protest” sa Mendiola Bridge, na may temang Halloween laban sa mga “multo ng korapsyon.” Kasabay nito, ang Concerned Artists of the Philippines ay magsasagawa rin ng “Ghost Projects: The Exorcism” protest sa Quezon City.
Magpapatuloy ang Black Friday protests sa Nobyembre 7, 14, 21, at 28 sa iba’t ibang lugar. Sa Nobyembre 14, ilulunsad naman ng Working People Against Corruption — isang alyansa ng mga labor unions, BPO workers, at entertainment industry groups — ang kanilang protesta laban sa katiwalian.
Inanunsyo rin ng KBKK na inaasahan ang student walkouts, lunch-hour protests, at sit-down strikes mula sa mga manggagawa sa pampubliko at pribadong sektor bago ang malaking pagtitipon sa Nobyembre 30.
Dagdag pa ng grupo, pinag-iisipan din ng ilang sektor ang “tax defiance campaign” bilang panawagan sa reporma sa pamahalaan — kabilang ang pag-alis ng value-added tax (VAT) sa mga produktong petrolyo at serbisyo publiko.
Layunin ng mga grupong ito na ipakita ang sama-samang panawagan para sa hustisya at pananagutan ng mga sangkot sa korapsyon.
