Simula Abril 2, mas mataas na pamasahe ang sasalubong sa mga pasahero ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) matapos aprubahan ng Department of Transportation (DOTr) ang hiling ng operator nito na magtaas ng singil.
Ayon sa Light Rail Manila Corp. (LRMC), ang minimum fare para sa single journey tickets ay tataas mula P15 hanggang P20. Ang end-to-end fare naman ay magiging P52 mula P43 para sa stored value cards, at P55 mula P45 para sa single journey tickets.
Ibig sabihin, kung araw-araw kang bumibiyahe mula Fernando Poe Jr. station sa Quezon City hanggang Dr. Santos station sa Parañaque at pabalik, maaari kang gumastos ng dagdag na P400 kada buwan sa pamasahe.
Inaprubahan ng DOTr ang boarding fee na P16.25 at distance fare na P1.47 kada kilometro—mas mababa sa orihinal na petisyon ng LRMC.
Ayon kay LRMC president at CEO Enrico Benipayo, ito pa lang ang pangalawang beses sa loob ng sampung taon na pinayagan silang magtaas ng singil. Iginiit niyang kailangang mag-adjust ng pamasahe upang mapanatili ang operasyon at maintenance ng LRT-1.
“Sa ibang bansa tulad ng Singapore at Japan, regular ang fare adjustments para matiyak ang ligtas at maayos na serbisyo,” ani Benipayo.
Bilang bahagi ng proseso, inatasan ng DOTr ang LRMC na ilathala ang bagong fare matrix sa pahayagan nang tatlong sunod na linggo upang maabisuhan ang publiko.
Samantala, binatikos ng grupong Bayan ang taas-pasahe at nanawagang repasuhin ang concession agreement ng LRMC, na nagbibigay ng karapatan sa fare increase kada dalawang taon.
Dagdag Pasahe sa Jeep, Pinag-uusapan na rin!
Bukod sa taas-pasahe sa LRT-1, nakatakda ring pag-usapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ngayong araw ang petisyon ng mga transport groups para sa P2 dagdag sa minimum fare ng jeepney.
Hiniling ng Pasang Masda at Liga ng Transportasyon at mga Operators sa Pilipinas na itaas sa P15 mula P13 ang pasahe dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina.
Ngunit ayon kay Passenger Forum convenor Primo Morillo, dagdag pasanin lang ito sa mga commuter. Sa halip na fare hike, iminungkahi niyang suspendihin na lang ng gobyerno ang excise tax sa diesel.
Sa kasalukuyan, nasa P13 ang minimum fare sa traditional jeepneys, habang P15 naman sa modern jeepneys.