Sa pag-uwi ni Marian Rivera ng Cinemalaya Best Actress award para sa pelikulang “Balota,” isa sa mga unang pinasalamatan niya ay ang asawang si Dingdong Dantes. Ayon kay Marian, si Dingdong ang nagtulak sa kanya na tanggapin ang papel ni Emmy, isang guro na nagtatangkang protektahan ang balota matapos maganap ang kaguluhan sa kanilang bayan.
Sa kauna-unahang pagkakataon sa 20-taong kasaysayan ng Cinemalaya, nagkaroon ng joint-win para sa Best Actress, kung saan kapwa nanalo sina Marian at Gabby Padilla ng “Kono Basho.”
Sa kanyang acceptance speech noong Agosto 11, sa Ayala Malls Manila Bay, nagpasalamat si Marian kay direktor Kip Oebanda at sa buong “Balota” team. Nabanggit niya na ang mga pasa at hirap na naranasan niya sa loob ng anim na araw ng shooting ay sulit na sulit.
Bago pa man tanggapin ang papel, sinabi ni Marian na nagtanong muna siya kay Dingdong kung dapat ba niyang tanggapin ang lead role sa isang Cinemalaya film. Sagot ni Dingdong, “Para ipakita kung ano kaya mong gawin,” na nagresulta sa Best Actress award.
Dagdag pa ni Marian, ang nasabing parangal ay tila advance birthday gift sa kanya, dahil magdiriwang siya ng kanyang ika-40 kaarawan noong Agosto 12.
Tinapos ni Marian ang kanyang talumpati sa pagbibigay-pugay sa mga taong tulad ni Emmy, na handang isakripisyo ang kanilang buhay para sa integridad ng demokrasya.