Kinumpirma ni Ferdinand Marcos Jr. na wala pang naiuulat na nasawi o nasugatang Pilipino matapos ang palitan ng airstrikes sa pagitan ng US, Israel at Iran.
Sa kanyang video message nitong Marso 1, sinabi ng Pangulo na inatasan na niya ang Department of Foreign Affairs, Department of Migrant Workers at mga embahada sa Middle East na i-activate ang contingency measures para matiyak ang kaligtasan ng milyun-milyong Pilipino sa rehiyon.
Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, wala ring naitalang Pilipinong “adversely affected” batay sa ulat ng mga embahada sa Israel at Gulf states.
Batay sa datos ng DMW noong Disyembre 2025, nasa 1.113 milyon ang land-based OFWs sa Middle East. Pinakamalaki ang bilang sa United Arab Emirates (397,892), Saudi Arabia (386,699), Qatar (160,890), Kuwait (106,364), at Bahrain (21,129). Mayroon ding 7,473 OFWs sa Israel noong Nobyembre 2025.
Sumiklab ang tensyon matapos umatras ang negosasyon ng US at Iran, na sinundan ng pag-atake ng US at Israel sa nuclear sites ng Iran. Ayon kay Donald Trump, layunin ng operasyon na pahinain ang missile at nuclear capabilities ng Iran.
Patuloy ang monitoring ng pamahalaan habang nakaantabay ang mga ahensya para sa anumang kinakailangang aksyon.
