Site icon PULSE PH

Marcos, Tiwala na Magsasabi ng Totoo si Bonoan!

Tiwala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magsasabi lamang ng katotohanan si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) secretary Manuel Bonoan sa patuloy na imbestigasyon ng Senado kaugnay ng multi-bilyong pisong flood control anomaly.

Ayon kay Presidential Communications Undersecretary Claire Castro, naniniwala ang Pangulo na magiging tapat si Bonoan sa kanyang testimonya dahil ito ay ginagawa sa ilalim ng panunumpa. Humarap si Bonoan sa Senate Blue Ribbon Committee matapos bumalik mula sa Estados Unidos at itinanggi ang anumang masamang intensyon sa pagsusumite umano ng maling coordinates ng mga flood control project.

Paliwanag ni Bonoan, dahil sa kakulangan sa oras ay planning-stage coordinates ang naipasa niya sa Malacañang at hindi ang mas eksaktong “as-staked” data, ngunit iginiit niyang nasa parehong lugar pa rin ang mga proyekto. Nauna nang inakusahan ni Sen. Panfilo Lacson si Bonoan ng pagpapadala ng maling grid coordinates.

Samantala, sinabi ng Malacañang na patuloy ang beripikasyon ng DPWH sa mga alegasyon ng ghost projects, at wala pang utos ang Pangulo na ulitin ang buong imbestigasyon. Tanging mga kasong may malinaw at tamang ebidensya ang isinampa.

Sa hiwalay na pahayag, pinuri ni Rep. Benny Abante Jr. si Lacson sa pagsasabing walang sapat na ebidensya na nag-uugnay kay dating House Speaker Martin Romualdez sa isyu. Gayunman, nagpahayag ng pagkadismaya ang ilang senador ng minorya dahil umano sa kakulangan ng mas malalim na pagtatanong sa iba pang personalidad na nadawit sa kontrobersiya.

Exit mobile version