Kahapon, nangako si Pangulong Marcos na isusulong ang isang “rules-based” international order at mapayapang resolusyon ng mga alitan sa 44th at 45th ASEAN Summits sa Laos, ang kanyang ika-29 na foreign trip bilang pangulo.
Sa kanyang pahayag bago umalis, sinabi ni Marcos na mahalaga ang ASEAN Summits para talakayin ang mga usaping geopolitical at kooperasyon sa rehiyon. Kabilang sa mga tatalakayin ay ang West Philippine Sea, sitwasyon sa Myanmar, at mga isyu sa Ukraine at Middle East.
Ipinangako ni Marcos na ipaglalaban niya ang prinsipyo ng bukas at inklusibong pandaigdigang kaayusan at mapayapang solusyon sa mga alitan, lalo na sa West Philippine Sea, alinsunod sa international law.
Bukod sa usaping territorial, inaasahan din na tatalakayin ng ASEAN leaders ang pagpapalakas ng pagkakaugnay ng mga bansa, seguridad sa pagkain at enerhiya, at paglaban sa climate change.
Tiniyak ni Marcos na palaging isusulong ng Pilipinas ang international law at kaligtasan ng mga Pilipino, habang pinalalalim ang ugnayan ng bansa sa ASEAN at iba pang mga partner.