Site icon PULSE PH

Marcos Jr: “Bago Mag-Pasko, Makukulong ang mga Sangkot sa Flood Control Projects”!

Nagbabala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi magiging masaya ang Pasko para sa mga opisyal at indibidwal na sangkot sa katiwalian sa flood control projects, dahil inaasahang makukulong na sila bago mag-Disyembre 25. Ito’y matapos ang mga tanong kung bakit wala pang nahaharap sa kaso mahigit 100 araw matapos niyang mangako ng agarang aksyon.

Ayon sa Pangulo, mahalagang matibay ang mga kasong isasampa upang hindi makalusot ang mga opisyal dahil lamang sa legal technicalities. “Sa mga walang hiya na nagnanakaw sa pera ng bayan, tapos na ang maliligayang araw ninyo,” aniya.

Binigyang-diin ni Marcos Jr. na layunin ng administrasyon ang tatlong bagay: panagutin ang mga sangkot, mabawi ang nakaw na pondo, at magpatupad ng reporma para maiwasan ang katiwalian sa hinaharap.

Kasama sa inilatag niyang updates ang:
Mahigit 20,000 reklamo ang natanggap ng “Sumbong sa Pangulo” website.
P6.3 bilyon ang nasasaklaw ng pitong freeze orders mula sa Court of Appeals, bilang paghahanda sa forfeiture case.
Rekomendasyon ng kaso laban sa 37 katao mula sa Independent Commission for Infrastructure.
12 kaso ng bid manipulation na iniakyat ng DPWH sa Philippine Competition Commission laban sa anim na pribadong kumpanya.
DPWH cases laban sa 21 opisyal mula La Union at Davao Occidental dahil sa malversation at paglabag sa Anti-Graft Law.
10 kasong isinampa ng BIR, na may kabuuang tax liability na P8.86 bilyon.

Maglulunsad din ang gobyerno ng transparency portal para masubaybayan ng publiko ang mga proyekto, contractors, at status nito.

Tinanong kung kasama ba ang pinsan niyang si dating Speaker Martin Romualdez sa mga kakasuhan, sinabi ng Pangulo na wala pang ebidensiyang nag-uugnay dito. “Hindi kami nagsasampa ng kaso para sa optics,” paliwanag niya.

Ngunit taliwas dito, sinabi ni Sen. Imee Marcos na tila magkakaroon pa rin ng “Merry Christmas” para sa iba—lalo na kay Romualdez—dahil hindi ito kasama sa unang batch ng kaso.

Pinanindigan naman ng ilang mambabatas na tama ang Pangulo: wala pa umanong matibay na ebidensya laban kay Romualdez, at ang mga alegasyon ni Orly Guteza sa Senado ay nabahiran umano ng inconsistencies.

Patuloy ang imbestigasyon at aasahan ang mas maraming kasong isasampa habang papalapit ang Pasko—kasabay ng pagtitiyak ng administrasyon na hindi na mauulit ang ganitong uri ng katiwalian.

Exit mobile version