Inirekomenda ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang pagsasampa ng mga kasong plunder at graft laban kina dating House Speaker Martin Romualdez at dating kongresista Zaldy Co kaugnay ng umano’y iregularidad sa flood control projects mula 2016 hanggang 2025.
Kasabay ito ng utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na isumite sa Office of the Ombudsman ang lahat ng ebidensiyang nakalap sa tatlong buwang imbestigasyon ng DPWH at ICI. Ayon sa Pangulo, ang Ombudsman ang magdedesisyon kung dapat magsampa ng plunder, anti-graft, o bribery cases batay sa mga dokumento at testimonya.
Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, kabilang sa posibleng paglabag ang:
• Plunder (RA 7080)
• Paglabag sa ilang seksyon ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act
• Direct bribery sa ilalim ng Revised Penal Code
Nakasama sa joint referral ang mga kontratang kinasasangkutan ng Sunwest Inc. at Hi-Tone Construction, pati ang sinumpaang salaysay ni retired Sgt. Orly Guteza na inilahad sa Senate Blue Ribbon Committee.
Binigyang-diin ng Pangulo na susunod lamang ang Ombudsman sa direksiyon ng ebidensiya—kahit pa si Romualdez ay kanyang pinsan. Noong Setyembre, nangako si Marcos na walang “palakasan” sa imbestigasyon sa flood control scandal.
