Site icon PULSE PH

Marbil, Dinepensahan ang NCRPO, ACG POGO Raid!

Isang araw matapos tawaging “palpak” ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang raid sa isang POGO hub sa Maynila, dumepensa si Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rommel Francisco Marbil sa operasyon.

Pinuri ni Marbil ang Anti-Cybercrime Group (ACG) at National Capital Region Police Office (NCRPO) sa kanilang “matagumpay” na raid, kung saan nadiskubre nila ang sinasabing “ina ng lahat ng scam hubs” sa isang 40-palapag na gusali sa Adriatico at Sta. Monica streets. Sa raid, naaresto ang 69 na banyaga na sangkot umano sa ilegal na aktibidad.

Ayon kay Marbil, ang raid ay nakabatay sa intelihensya na nagsabing ang gusali ay pugad ng mga POGO operation na kinasasangkutan ng maraming dayuhan at ilegal na gawain.

Aniya, “Ang operasyon na ito ay patunay sa dedikasyon ng ating mga tauhan sa PNP-ACG na naglalayong tapusin ang mga sindikato sa online scams, ilegal na sugal, at human trafficking.”

Pinasalamatan din niya ang NCRPO at tiniyak na tututukan nila ang pagpapalakas ng kampanya laban sa POGOs sa susunod na dalawang buwan kasama ang National Bureau of Investigation (NBI).

Naglabas si Marbil ng pahayag matapos disowned ng PAOCC ang raid na isinagawa ng NCRPO. Sinabi ni PAOCC spokesman Winston John Casio na hindi kasama ang PAOCC sa raid at nanawagan kay NCRPO director Maj. Gen. Sidney Hernia na linisin ang pangalan ng komisyon.

Ayon kay Casio, hindi natuloy ang pagkakulong sa mga banyaga dahil hindi nakapag-secure ang ACG at NCRPO ng legal hold sa kanila. Itinanggi ni Marbil ito at iginiit na ang PNP at NBI ang may specialized skills sa ganitong uri ng operasyon.

Nangako si Marbil na magsasampa ng kaso laban sa mga sangkot, kasama ang may-ari ng gusali, sa oras na makumpleto ng PNP ang forensic analysis sa mga nakuhang ebidensya.

Suportado rin umano ang operasyon ni Manila Mayor Honey Lacuna, dagdag pa ng PNP Chief.

Exit mobile version