Sinimulan na ng transport group na Manibela ang tatlong araw na nationwide protest laban sa Public Transport Modernization Program (PTMP), na dating kilala bilang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP). Ito’y tugon sa desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ibasura ang resolusyon ng Senado na pansamantalang suspindihin ang programa.
Nagsagawa ang Manibela ng protesta sa Monumento Circle sa Caloocan City at iba pang lugar sa Metro Manila tulad ng Maynila, Quezon City, at Pasig. May mga protesta rin sa Cavite, Bulacan, Pangasinan, at Iloilo.
Tiniyak ng grupo na magpapatuloy ang kanilang tigil-pasada mula Agosto 14 hanggang 16. Ayon kay Manibela president Mar Valbuena, sasali sa protesta ang kanilang mga miyembro mula sa iba’t ibang lalawigan, kabilang ang Baguio, Pangasinan, Central Luzon, Isabela, CALABARZON, at ilang bahagi ng Visayas at Mindanao.
Samantala, nagpahayag din ang grupong PISTON ng kanilang pakikiisa sa tigil-pasada. Ayon kay PISTON President Mody Floranda, makikiisa sila sa Manibela sa pagkilos sa mga ruta.
