Sinabi ng grupong pang-transportasyon na Samahang Manibela Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon (Manibela) nitong Sabado na inaasahan nilang aabot sa 25,000 miyembro ang sasali sa kanilang tatlong araw na protesta na magsisimula sa Lunes.
“‘Eto po kasing NCR (National Capital Region) ang pinaka concentration ng protesta at tigil pasada. Dito pa lang po hindi na bababa ng 25,000,” sabi ng presidente ng Manibela na si Mar Valbuena sa isang panayam sa Super Radyo dzBB.
Samantala, humingi ng paumanhin si Valbuena sa mga mananakay na maaapektuhan ng transport strike na magsisimula sa Lunes, Hunyo 10, 2024.
“Sa mga mahal naming mananakay, sana maunawaan ninyo na mahirap din eto. Hindi lang sa pagsakay ninyo, apektado yung kabuhayan din namin ng tatlong araw,” sabi ni Valbuena.
Nanawagan din siya sa kanyang mga miyembro na iwasan ang anumang alitan sa mga awtoridad sa panahon ng rally.
“Dinadasal natin yan, sinasabi natin sa ating mga miyembro na sana wag magkasakitan o anumang komosyon. Wag lang sana magmula sa gobyerno yung pag-provoke,” diin ng presidente ng Manibela.
“Madaming beses na tayong tinatakot na tayo ay huhulihin… Kasi hindi po maiiwasan ipaglalaban eto kahit ano mang paraan.”
Ang transport strike ay protesta ng grupo laban sa pag-aresto ng mga unconsolidated jeepneys.
Ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ay nag-aaresto ng mga unconsolidated public utility vehicles (PUVs) na ang mga prangkisa ay binawi matapos ang deadline ng konsolidasyon noong Abril 30.
Itinanggi ni LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III na ang ahensya ay nakipagkasundo sa Kongreso upang payagan ang mga unconsolidated jeepney drivers na magparehistro para sa buong taon.
Ang transport strike ay gaganapin mula Hunyo 10-12, 2024. Sinabi ng Manibela na sasali ang kanilang mga miyembro mula sa Calabarzon, Central Luzon, Ilocos Region, at Cordillera Administrative Region sa nationwide strike.
Sinabi ng Department of Transportation (DoTr) na hindi sila nababahala sa posibleng epekto ng strike sa pampublikong transportasyon.
“Sanay na po ang lahat ng agency. In fact, our commuters in Metro Manila sanay na po sa kanilang plano,” sabi ni DoTr Undersecretary Ferdinand Ortega.
Ang konsolidasyon ng PUVs ay bahagi ng paunang yugto ng PUV Modernization Program (PUVMP) ng gobyerno, kung saan ang mga operator at driver ng jeepney ay dapat magsama-sama sa mga kooperatiba o mabawi ang kanilang mga permit.
Nagsimula noong 2017, ang PUVMP ay naglalayong palitan ang mga jeepney ng mga sasakyang may at least Euro 4-compliant engine upang mabawasan ang polusyon.