Muling lumubog sa baha ang ilang pangunahing kalsada sa Metro Manila matapos ang malakas na buhos ng ulan dulot ng thunderstorm kahapon, na nagresulta rin sa matinding trapik.
Ayon sa MMDA, kabilang sa mga binaha sa Quezon City ang bahagi ng Araneta Avenue, P. Florentino, Maria Clara at Mother Ignacia Avenue, pati na rin ang ilang bahagi ng EDSA, Kamias Road, P. Tuazon, Dario Bridge, Elliptical Road, Katipunan, Quezon Avenue, E. Rodriguez Avenue at East Avenue.
Hindi rin nakaligtas ang EDSA-Shaw Boulevard tunnel sa Mandaluyong, P. Ocampo Street sa Maynila, C5-Kalayaan service road sa Taguig, at C3-NLEX Connector Road sa Caloocan. Sa Pasig, binaha ang ilang bahagi ng Ortigas at C5 malapit sa Julia Vargas Avenue, habang sa Malabon at Valenzuela ay umapaw naman sa MacArthur Highway at Gov. Pascual Avenue.
Bukod sa ulan, dagdag-pahirap pa ang sumabog na water pipe sa Visayas Avenue, QC, na nagdulot ng pagbaha at pansamantalang pagkawala ng suplay ng tubig sa halos 3,000 kabahayan sa Barangays Culiat, New Era at Vasra.
Agad namang sinimulan ng Manila Water ang pagkukumpuni sa 300-millimeter pipe at nag-deploy ng limang water tankers para matulungan ang mga apektadong residente.
