PULSE PH

Malacañang, handang pakinggan ang rebelasyon ni Zaldy Co sa flood control scam

Handa ang Malacañang na pakinggan ang mga ibubunyag ni dating Congressman Zaldy Co matapos itong maaresto sa Czech Republic dahil sa ilegal na pagpasok sa bansa. Ayon kay Presidential Communications Undersecretary Claire Castro, ang pangunahing katanungan ngayon ay kung gaano kahanda si Co na maglahad ng katotohanan tungkol sa maanomalyang flood control projects at kung sino-sino ang kanyang mga kasabwat.

Matatandaang tumakas si Co palabas ng Pilipinas bago pa magpalabas ng warrant of arrest ang Sandiganbayan kaugnay ng kasong graft at malversation para sa isang dike project sa Oriental Mindoro na nagkakahalaga ng 289.5 milyong piso. Bago ang kanyang pag-alis, nagbitiw pa ng akusasyon si Co laban kay Pangulong Marcos, ngunit mabilis itong itinatwa ng Palasyo bilang isang desperadong hakbang.

Ayon sa Palasyo, ikinatutuwa ng Pangulo ang pagkakadakip sa dating mambabatas dahil patunay ito na seryoso ang pamahalaan sa pagpapanagot sa mga tiwali. Inaasahang matatapos ang proseso ng deportasyon sa loob ng tatlong linggo. Samantala, hinihimok naman ni Senador Erwin Tulfo ang mabilis na pagtatapos ng imbestigasyon kapag lumabas na ang testimonya ni Co upang matuunan ng pansin ng gobyerno ang iba pang krisis sa bansa.

Exit mobile version