Maaaring ipag-turnover ng gobyerno si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Police Organization (Interpol) kung hihilingin ito ng International Criminal Court (ICC), ayon sa Malacañang.
Bagamat hamon ni Duterte sa ICC na “bilisan” ang kanilang imbestigasyon at pumunta sa Pilipinas, sinabi niya sa pagdinig sa Kamara na hindi siya natatakot sa ICC at handang humarap basta may pamasahe papunta sa kanilang headquarters.
Sa tanong ukol sa pahayag ni Duterte, sinabi ni Executive Secretary Lucas Bersamin na hindi pipigilan ng gobyerno ang dating pangulo kung nais nitong sumuko sa ICC. Dagdag pa niya, ikokonsidera rin ng mga awtoridad ang pakikipagtulungan sa Interpol kung hihingi ng tulong ang ICC.
Sinabi ng administrasyong Marcos na walang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas, ngunit kung magkakaroon ng “red notice” mula sa Interpol, obligado ang mga ahensiya ng gobyerno na makipagtulungan ayon sa protocol.
Sa kabila nito, sinabi ni Pangulong Marcos na hindi makikipagtulungan ang Pilipinas sa ICC at binanggit na banta ito sa soberanya ng bansa.
Samantala, hinamon ng mga progresibong grupo ang Malacañang na makipagtulungan sa ICC matapos ihayag ni Duterte ang kanyang kahandaang harapin ang imbestigasyon. Ayon kay Kabataan party-list spokesperson Renee Co, walang dahilan para patagalin pa ng administrasyon ang hustisya para sa mga biktima ng drug war.
Hinimok din ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang gobyerno na gamitin ang mga testimonya sa Kamara upang makasuhan si Duterte at iba pang opisyal. Nagdaos ng protesta ang mahigit 100 miyembro ng Bayan at mga kaalyadong grupo sa harap ng Batasang Pambansa habang dumalo si Duterte sa pagdinig ng quad committee.
