Bumili ang lungsod ng Makati ng anim na bus para bigyang-libre ang sakay ng mga estudyante sa pampublikong paaralan sa lungsod.
Gaya ng government point-to-point bus service, may fixed routes at schedules ang mga school buses na ito, sakop ang mga pangunahing barangay at mga school zones sa Makati.
Eksklusibo ang libreng sakay na ito para sa mga estudyante ng pampublikong paaralan sa Makati, ayon sa anunsyo ng city government nitong Miyerkules.
Ipapatupad ang serbisyo sa dalawang phases. Sa simula, pipili ng ilang paaralan na may malaking populasyon ng estudyante para sa pilot program.
Matapos ang konsultasyon kasama ang mga school admin, parent associations, at barangay officials para sa ruta at seguridad, layunin ng programang ito na maabot ang lahat ng pampublikong paaralan sa lungsod.
Ayon kay outgoing Mayor Abby Binay, makakatulong ang programang ito upang mabawasan ang gastos sa transportasyon ng mga low-income na pamilya.
“Sisiguraduhin naming makakarating ang mga estudyante nang ligtas at on time sa paaralan para makapag-focus sila sa pag-aaral,” ani Binay.
