Inilunsad ng Makati City ang kauna-unahang animal care facility sa bansa na magsisilbing tahanan ng mga stray at impounded animals, pati na rin lugar para itaguyod ang responsableng pag-aalaga ng mga alaga.
Matatagpuan ito sa Sultana Street, Barangay Olympia, at dito rin ililipat ang city veterinary services na nagbibigay ng mga sertipikasyon tulad ng veterinary inspection, pet travel, at meat handling.
Libreng serbisyo para sa mga residente ang consultation at vaccination ng kanilang mga alagang hayop. May pre-scheduled din na libreng spaying, castration, at microchipping. Ang deworming ay libre sa unang dose, at may P30 fee sa mga susunod na dose.
Ang pasilidad ay may mga espesyal na kuwarto para sa consultation, surgery, recovery, at paghahanda ng pagkain. Mayroon ding two-level ventilation room para sa mga kulungan ng hayop.
Ani Mayor Abby Binay, layunin ng proyekto na palaganapin ang kamalayan sa animal welfare at itaguyod ang kultura ng pag-aalaga at pagmamahal sa mga hayop sa komunidad.
Pinangangasiwaan ng Makati ang pasilidad kasama ang Animal Kingdom Foundation at Biyaya Animal Care bilang katuwang.