Mahigit 14 milyong tao sa buong mundo, kabilang ang isang katlo na mga batang mas maliit sa limang taong gulang, ang maaaring mamatay dahil sa pagbawas ng pondo para sa US foreign aid, ayon sa isang pag-aaral na inilathala nitong Martes sa prestihiyosong Lancet journal.
Bago ito, ang US Agency for International Development (USAID) ang nagbibigay ng mahigit 40% ng global humanitarian funding hanggang sa pag-upo ni Donald Trump bilang presidente noong Enero. Makalipas ang dalawang linggo, ipinagmamalaki ni Elon Musk, noon ay tagapayo ni Trump, na napabagsak niya ang ahensya.
Ayon kay Davide Rasella, isa sa mga mananaliksik sa Barcelona Institute for Global Health (ISGlobal) at co-author ng pag-aaral, ang pagbawas ng pondo ay “maaaring biglaang itigil o baligtarin ang dalawang dekadang progreso sa kalusugan ng mga mahihirap.”
Ginamit ng mga mananaliksik ang datos mula sa 133 bansa at tinatayang nakaiwas ang USAID ng 91 milyong pagkamatay mula 2001 hanggang 2021 sa mga developing countries.
Ngunit dahil sa planong pagbawas ng pondo ng 83% ngayong taon, inaasahan na maaaring magkaroon ng 14 milyong avoidable deaths hanggang 2030, kabilang ang mahigit 4.5 milyong bata. Ikinumpara ito sa bilang ng mga sundalo na namatay sa World War I na tinatayang 10 milyon.
Nakita rin sa pag-aaral na ang mga programa ng USAID ay nagresulta sa 15% pagbaba ng mortality rate, habang sa mga batang wala pang limang taon, umabot ito sa 32%.
Ang USAID funding ay epektibo sa pagpigil sa pagkamatay mula sa sakit gaya ng HIV/AIDS, malaria, at neglected tropical diseases na bumaba ng higit kalahati sa mga bansa na tumatanggap ng tulong.
Matapos ang pagbawas sa USAID, sumunod din ang ibang donor tulad ng Germany, UK, at France sa kanilang mga foreign aid budget cuts, na maaaring magdulot ng mas maraming pagkamatay.
Kasalukuyang nagpupulong ang mga world leaders sa Seville, Spain para sa pinakamalaking aid conference sa loob ng isang dekada, ngunit hindi dadalo ang US.
Ani Rasella, “Panahon na para palakihin ang tulong, hindi bawasan.”
Bago bumagsak ang pondo, ang USAID ay kumakatawan lamang sa 0.3% ng kabuuang US federal spending, at bawat US citizen ay nag-aambag ng humigit-kumulang 17 cents kada araw.