Mahigit 1,000 tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang haharap sa kasong kriminal dahil umano sa paglabag at pag-iwas sa body-worn camera policy ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, natuklasan sa validation na patuloy ang reklamo ng mga negosyante laban sa ilang fire safety inspectors. Iniiwasan umano ng mga ito ang pagsusuot ng body cameras upang makapuwersa ng pagbili ng fire extinguishers—na kadalasang overpriced—kapalit ng pag-apruba ng inspeksiyon.
Ibinahagi rin ni Remulla na mismong ang kanyang pamangkin na may-ari ng convenience store sa Silang, Cavite ay naging target umano ng ganitong gawain. Kahit nabayaran na ang kaukulang fire safety inspection fee, hindi umano ininspeksiyon ang establisimyento at pinabili pa ng fire extinguisher bago ito masuri.
Dahil dito, inanunsiyo ni Remulla na magsasampa ng kaso sa Office of the Ombudsman laban kay BFP chief Jesus Fernandez at iba pang opisyal ng ahensiya kaugnay ng alegasyon ng korapsyon at bid-rigging.
