Matapos ang matagal na pagtatalo, nagkaisa na rin ang International Chess Federation (FIDE) at world no. 1 Magnus Carlsen sa isang bagong format ng world championship na magbabalik sa Norwegian chess legend sa pandaigdigang eksena.
Ipinakilala ngayong linggo ng Norway Chess Foundation ang “Total Chess World Championship Tour,” isang bagong sistema ng torneo na bubuuin ng apat na major events kada taon. Sa dulo, magkakaroon ng isang kampeon na hahawak ng titulo para sa tatlong chess formats — Fast Classic, Rapid, at Blitz.
Ayon kay Carlsen, 34, ito ay isang makabagong hakbang para mas mapaunlad ang chess. “Ang pagsasama ng iba’t ibang formats sa iisang titulo ay mas magpapakita ng tunay na lakas ng mga manlalaro. Tugma rin ito sa panahon ngayon at sa gusto ng mga manonood,” ani niya.
Matatandaang tinalikuran ni Carlsen ang kanyang world championship title noong 2023 dahil umano sa kakulangan ng motibasyon, at ngayon ay hawak ng Indian prodigy na si Gukesh Dommaraju ang korona.
Ikinatuwa naman ng FIDE ang proyekto, at ayon sa pangulo nitong si Arkady Dvorkovich, magiging komplemento ito ng tradisyonal na World Chess Championship na patuloy na kikilalanin ang kampeon sa klasikong format.
Ayon sa mga organizer, ilulunsad ang pilot season ng Total Chess World Championship Tour sa taglagas ng 2026, at inaasahan ang unang full season pagsapit ng 2027.
Sa bagong sistemang ito, tila handa na muling makipagsabayan si Carlsen — at muling patunayan kung bakit siya pa rin ang tinitingalang hari ng chess.