Isang napakalakas na magnitude 8.8 na lindol ang yumanig sa baybayin ng Kamchatka sa Far East Russia nitong Miyerkules, Hulyo 30. Nagdulot ito ng tsunami warnings sa Hawaii, kanlurang baybayin ng Estados Unidos, pati na rin sa French Polynesia at Chile.
Sa Russia, may mga nasirang gusali at nasugatan dahil sa lindol. Nag-utos naman ang Japan ng evacuation sa mga apektadong bahagi ng kanilang silangang baybayin, alaala pa ng matinding lindol at tsunami noong 2011. Kasama rin sa evacuation ang ilang bahagi ng Hawaii.
Pagdating ng gabi, ibinaba na ang tsunami warnings sa Japan, Hawaii, at Russia, pero nananatiling alerto ang French Polynesia, lalo na sa Marquesas Islands kung saan inaasahang aabot sa 2.5 metro ang alon.
Naitala sa Hawaii ang alon na umaabot hanggang 1.7 metro, at sa Japan naman ay 1.3 metro. Muling bumalik ang operasyon ng mga flight sa Honolulu.
Nakitaan din ng maliit na alon na halos kalahating metro sa California at British Columbia, Canada, kung saan kinansela na ang tsunami advisory.
Ang Kamchatka ay bahagi ng Pacific Ring of Fire, isang rehiyon na madalas tamaan ng lindol at pagsabog ng bulkan. Ang lindol ay nagmula sa isang “megathrust fault,” kung saan ang Pacific Plate ay lumulubog sa ilalim ng North American Plate. Posibleng may mas malalakas pang aftershocks sa mga susunod na araw.
