Nag-enjoy sa isang beach getaway sa Amanpulo, Palawan sina Ellen Adarna kasama ang kanyang mga anak na sina Elias at Lili, pati ang dating partner na si John Lloyd Cruz at kasalukuyang girlfriend nito na si Isabel Santos.
Sa mga Instagram story ni Ellen, ibinahagi niya ang ilang sandali ng kanilang bakasyon sa luxury private island. Makikita sa mga video ang mga bata na masayang naglalaro sa puting buhangin at nag-oobserba ng iba’t ibang sea creatures tulad ng mga pawikan.
Nag-post din si Ellen ng selfie habang si Isabel naman ang pansamantalang nagbabantay sa mga bata. Sa isa pang video, makikita si Isabel na naglalakad kasama ang mga anak ni Ellen.
Samantala, ibinahagi rin ni Ellen ang video ng bonding moment nina Elias at ng ama nitong si John Lloyd habang naghahanap ng mga alimango sa tabing-dagat.
Sa isang nakaraang panayam, sinabi ni Ellen na maayos ang relasyon nila ni John Lloyd bilang co-parents. Ayon sa kanya, kusa pa raw nag-alok ng tulong ang aktor nang lumipat sila ng bahay.
“Mas okay kami ngayon bilang co-parents. Kapag may kailangan kami, kusa siyang nag-aalok ng tulong,” ani Ellen, na nagpasalamat sa pagiging supportive ni John Lloyd sa kanilang anak.
