Dalawang nakatatandang magkapatid ang nasawi matapos matabunan ng gumuhong lupa ang kanilang bahay sa Sitio Aluhin Maliit, Brgy. San Lorenzo, Mauban, Quezon noong Linggo ng gabi.
Ayon sa pulisya, nangyari ang insidente bandang 8:40 p.m. matapos ang halos walang tigil na ulan sa lugar. Kinilala ang mga biktima na sina Leon Ismael, 62 at Divina Sangcap, 69. Naisugod pa sila sa Mauban District Hospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Samantala, nakaligtas naman sina Teddy at Roslyn Trinidad, na kasalukuyang nagpapagaling sa ospital.
Nagpaalala si Maj. Hubert Jabrica, hepe ng Mauban police, sa mga residente na manatiling mapagmatyag at lumikas agad kung kinakailangan, lalo na sa mga lugar na madalas tamaan ng landslide tuwing malakas ang ulan.