Maghahanda ang mga organisador ng “Trillion Peso March” para sa panibagong malaking kilos-protesta laban sa korapsyon sa darating na Nobyembre 30, Bonifacio Day.
Ayon sa Church Leaders Council for National Transformation (CLCNT), kasama ang iba’t ibang faith-based at civil society groups, layunin ng kilosang ito na ipagpatuloy ang panawagan para sa katarungan, katotohanan at pananagutan sa paggamit ng pondo ng bayan.
Kabilang sa mga aktibidad bago ang mismong protesta ang pagsusuot ng puting laso, mga noise barrage, candlelight vigil, fasting at mga misa. Ayon kay Judy Ann Miranda ng Partido Manggagawa, mas malaki at mas malawak ang inaasahang pagtitipon kumpara sa protesta noong Setyembre 21, na dinagsa ng mahigit 100,000 katao sa Luneta at People Power Monument.
Naglabas din ang Trillion Peso March Movement ng isang manifesto, nananawagan sa lahat ng Pilipino na makiisa para sa isang tapat, transparent at accountable na pamahalaan. Kasama sa kanilang hinihiling ang mabilisang pag-usad ng mga kaso ng katiwalian at mas bukas na access ng publiko sa SALN ng mga politiko.
Mariin namang iginiit ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, convenor ng CLCNT at presidente ng Caritas Philippines, na ang kilusang ito ay “non-political” at tanging katotohanan lamang ang kanilang isinusulong. Aniya, anumang grupo o elemento na may dalang pansariling agenda sa politika ay agad na aalisin sa koalisyon.
Kung matutuloy, magiging isa na namang malaking pagsubok sa gobyerno ang darating na Bonifacio Day, kung saan libo-libong Pilipino ang inaasahang sasama sa panawagan laban sa korapsyon.
