Inihayag ng abogado ni Ramil Madriaga na tinangka umano itong suhulan ng halagang P500 milyon hanggang P1 bilyon kapalit ng kanyang pananahimik tungkol sa mga alegasyon laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay lawyer Raymund Palad, may ilang dating kakilala ni Madriaga ang nag-alok ng malaking halaga bago pa ang Pebrero 14 upang huwag na itong tumestigo tungkol sa umano’y koneksyon ng bise presidente sa mga drug dealer at offshore gaming operators na sinasabing nagpondo sa kanyang kampanya noong 2022. Gayunman, agad umanong tinanggihan ni Madriaga ang alok.
Sa kasalukuyan, nakakulong si Madriaga sa Camp Bagong Diwa sa Taguig kaugnay ng kasong kidnapping noong 2022. Kamakailan ay nagkaroon siya ng komprontasyon sa isa pang detainee na umano’y lumapit sa kanya habang naka-disguise. Dahil dito, plano ng kanyang kampo na hilingin sa korte na ilipat siya sa ibang detention facility dahil sa pangamba sa kanyang seguridad.
Iniimbestigahan na rin ng National Bureau of Investigation ang insidente. Samantala, sinabi ng abogado ni Madriaga na handa ang kanyang kliyente na humarap sa anumang imbestigasyon ng Ombudsman, Kongreso o Senado upang patunayan ang kanyang sinumpaang salaysay.
