Bumagsak ang Piggatan Bridge sa bayan ng Alcala, Cagayan nitong Lunes ng hapon, Oktubre 6, habang tinatawid ng isang 18-wheeler truck na may kargang palay, ayon sa Cagayan Provincial Information Office.
Ayon sa ulat, nangyari ang insidente bandang 5:30 p.m., kasabay ng rush hour, ngunit walang naiulat na nasugatan. Ilang ten-wheeler trucks ang naipit sa lumang tulay na tinatayang tatlong dekada na ang edad.
Ang tulay ay nagsisilbing ugnayan ng mga hilagang barangay ng Alcala papunta sa sentro ng bayan at mga kalsadang patungo sa Tuguegarao City.
Dahil sa pagbagsak, napilitang dumaan ang mga motorista sa Gattaran, Baggao, o Peñablanca, na magpapahaba umano ng biyahe nang ilang oras.
Ayon sa pulisya, iniimbestigahan pa kung may dati nang pinsala ang tulay o kung nasuri kamakailan ng DPWH ang kalagayan nito. Sa ngayon, sarado sa lahat ng uri ng sasakyan ang tulay habang sinusuri ng mga awtoridad ang lawak ng pinsala.