Malabong maaprubahan ang panukalang P17 minimum fare sa jeepney, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB). Sa isang panayam, sinabi ni LTFRB chairman Vigor Mendoza II na kulang ang datos para suportahan ang hirit na P17 minimum na pamasahe sa buong bansa.
Gayunman, inamin ni Mendoza na malaki ang posibilidad ng pagtaas ng pamasahe, ngunit magkakaiba ang magiging halaga depende sa rehiyon. Kasalukuyan nang inipon ng ahensya ang mga ulat mula sa public consultations sa kanilang regional offices para pag-aralan ang posibleng fare adjustment sa iba’t ibang uri ng public transport tulad ng jeepney, bus, taxi, TNVS, airport taxi at point-to-point buses.
Ipinapanawagan ng mga transport groups ang dagdag-pamasahe bunsod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina, pati na rin ng maintenance at operating costs na nagpapabigat sa kanilang kita.
Sa ngayon, hindi pa naglalabas ng final decision ang LTFRB, ngunit malinaw na hindi aabot sa P17 ang magiging minimum fare para sa jeepney.
