Magiging mahigpit ang LTFRB laban sa mga operator at drayber ng mga PUV at TNVS na hindi sumusunod sa 20% na diskwento para sa mga senior citizen, PWD, at estudyante. Ayon kay LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III, ang mga ito ay may karapatang makakuha ng diskwento batay sa mga umiiral na batas.
Binanggit ni Guadiz na may mga ulat ng hindi pagsunod, lalo na sa mga TNVS platforms, kung saan nahihirapan ang mga pasahero na makakuha ng diskwento. May mga PUV driver din na hindi tinatanggap ang mga valid ID at sinisingil ang buong pasahe.
Babala ng LTFRB, magbibigay sila ng mabigat na multa at suspensyon sa mga hindi sumusunod, lalo na sa mga paulit-ulit na lumalabag. Tiniyak din ni Guadiz na paiigtingin nila ang monitoring at agad na kikilos sa mga reklamo.