Inaasahan ng state weather bureau na magdudulot ng maulap na kalangitan at pag-ulan ang low pressure area (LPA) malapit sa Davao City at ang southwest monsoon o “habagat” sa ilang bahagi ng bansa ngayong Martes.
Base sa ulat ni Rhea Torres, weather specialist ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), as of 3:00 a.m. Martes, natukoy ang LPA na mga 310 kilometro silangan-hilagang silangan ng Davao City.
“Ang low pressure area na ito ay inaasahang makakaapekto sa silangang bahagi ng Mindanao kaya asahan natin ang mga katamtaman hanggang paminsan-minsang malakas na ulan,” sabi ni Torres sa isang bulletin ng maagang umaga.
Sinabi ni Torres na magkakaroon ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat sa Caraga at Davao regions, pati na rin sa Eastern Visayas.
Kaparehong kundisyon naman ang inaasahan sa Palawan dahil sa “habagat”, ayon pa kay Torres.
“Samantalang sa nalalabing bahagi ng ating bansa, partikular sa Southern Luzon pati na rin sa silangang bahagi ng Mindanao ay patuloy pa din ang epekto ng southwest monsoon,” dagdag pa ni Torres.
Wala namang gale warning na ipinalabas ang Pagasa para sa anumang bahagi ng mga baybayin ng bansa ngayon.